Pag-ban ng Google sa political ads pangontra sa online trolls sabi ni Sen. Ping Lacson

Pinaboran ni Senator Panfilo Lacson ang hakbang ng Google na ipagbawal ang political advertisements sa kanilang platform para sa eleksyon sa darating na Mayo.

Naniniwala ito na mahihinto na rin ang pagpapakalat ng mga online trolls ng mga maling impormasyon.

Sinabi pa ng presidential aspirant ng Partido Reporma panahon na para magkaroon ng social responsibility ang social media companies sa pagwawalis ng trolls.

Ibinahagi nito sa Australia may panukalang batas na ibulgar ng Facebook at Twitter ang pagkakakilanlan ng online trolls.

Inulit lang din ni Lacson na ipagpapatuloy nila ng kanyang running-mate na si Senate President Vicente Sotto III ang kanilang kampaniya sa mataas na antas ng pagpapaliwanag ng kanilang mga plataporma at opinyon sa mga isyu.

Paliwanag din niya na hindi sila ‘playing safe’ ni Sotto kundi hindi lang sila sang-ayon sa paninira sa mga kapwa kandidato.

Diin lang din nito, patuloy nilang pinupuna ang mga mali base sa konkreto at tunay na basehan.

Read more...