DepEd: Walang naitalang kaso ng COVID-19 sa unang linggo ng pilot face-to-face classes

DepEd photo

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na walang naitalang kaso ng COVID-19 sa mga nakiisang mag-aaral at guro sa unang linggo ng pilot implementation ng face-to-face classes.

Pinuri ni DepEd Secretary Leonor Briones ang pagsisikap ng mga stakeholder para sa matagumpay at ligtas na pilot run ng limited face-to-face classes.

“The involvement of everybody is crucial to the expansion of the implementation,” saad ng kalihim.

Sa EduAksyon press conference, sinabi ni Asec for the National Academy of Sports at Field Operations Malcolm Garma na isa sa mahahalagang aspeto ng risk assessment ang mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at iba pang kawani ng paaralan.

Base sa inisyal na resulta ng weekly school reporting sa limited face-to-face classes hanggang November 24, 4,537 mag-aaral sa Kinder hanggang Grade 3 at Grade 11 hanggang 12 ang nakadalo sa unang linggo ng pilot run.

Binigyang pansin naman ni Planning Service Director Roger Masapol ang mga hamon sa mga mag-aaral na kailangang matugununan, maging ang mga karanasan ng mga guro sa implementasyon ng pagtuturo at pagkatuto.

Sa ulat hanggang Nobyembre 24 mula sa Planning Service ukol sa assessment ng pilot run, 62 mula sa 100 o higit pa sa 60 porsyento ng mga eskwelahan ang nakapagsumite ng Week 1 assessment report.

Read more...