Binabantayang bagyo, maaring pumasok sa bansa; Amihan umiiral pa rin

DOST PAGASA satellite image

Nakatutok ang PAGASA sa Severe Tropical Storm Nyatoh sa labas ng bansa.

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ana Clauren, huling namataan ang bagyo sa layong 1,375 kilometers Silangan ng Southern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong 135 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers per hour sa direksyong Hilagang-Kanluran.

Bumaba aniya ang tsansa na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.

Gayunman, hindi inaalis ng weather bureau ang posibilidad na pumasok ng bansa ang bagyo sa Miyerkules ng gabi o Huwebes ng madaling-araw dahil nasa boundary na ito ng PAR.

Kapag pumasok sa bansa, tatawagin itong #OdettePH.

Sinabi pa ni Clauren, sakaling pumasok ng PAR, maaring lumabas din agad ang bagyo.

Samantala, umiiral pa rin ang Northeast Monsoon o Amihan sa buong Luzon.

Magdadala pa rin ang naturang weather system ng maulap na kalangitan na may mahihina hanggang katamtamang lakas ng ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao at Aurora.

Magiging maaliwalas naman ang panahon sa natitirang bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila.

Maari lamang aniyang makaranas ng isolated light rains lalo na sa gabi o madaling-araw.

Sa Visayas at Mindanao, posible ring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Read more...