Sa kanilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng ika-158 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio kahapon, nagsagawa ng clean-up drive sa bahagi ng Wawa Lakeview sa Barangay San Vicente ang grupo ng mga kabataan ng lalawigan ng Rizal.
Sinabi ni Leila Rayosdelsol, convenor ng IM Yo, ang naging tema ng kanilang programa ay, “IM ni Isko sa Rizal, Bilis Kilos sa Pangangalaga ng Kalikasan hindi ‘Marites’ at ‘Mema’ lang.”
Kasabay nito ang paglulunsad nila ng Ikaw Muna Pilipinas – Rizal Chapter at IM Yo.
Ang IM Pilipinas ay isang network ng mga volunteers at supporters ni presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
“Ikinalulugod ko po ang ating pagtitipon ngayon dito upang makiisa sa mahalagang aktibidad na ito, ang paglilinis at pangangalaga sa kalikasan. Bilang mga kabataan, mahalaga ang ating papel na ginagampanan sa lipunan dahil tayo po ang mga susunod na magdadala ng ating bansa bilang susunod na henerasyon ng leaders. Maraming salamat po sa lahat ng mga katulad ko at mga katulad ni Yorme Isko Moreno na nagmamahal sa kailkasan at sa ating bansa,” pahayag ni Rayosdelsol.
Hinimok naman ni community leader Atty. Geroge Abacon, convenor ng IM Pilipinas Rizal ang mga kabataan na maging aktibo sa mga proyekto at suportahan ang mga lider na may political will at may takot sa Diyos gaya ni Domagoso.
Sa kabilang banda, hinamon naman ni IM convenor at Aksyon Demokratiko Antipolo City council candidate Jojo Gonzales ang mga kabataan na maging focus at magsumikap sa buhay.