Mga biktima ng kalamidad at sunog sa Cagwait, Surigao del Sur tumanggap ng tulong mula kay Sen. Go

Nagpadala ng tulong ang tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority, sa mga indibidwal na naapektuhan ng iba’t ibang sakuna sa Cagwait, Surigao del Sur.

Namahagi ang staff ni Go ng meals at masks sa 183 na benepisyaryo na binubuo ng mga biktima ng bagyo at sunog sa Barangay Aras-Asan Gymnasium. Nagbigay din ang team ng financial assistance sa mga biktima ng sunog. Maging ng mga bisikleta at computer tablet sa ilang piling residente.

Samantala, nagbigay din ang NHA ng kinakailangang ayuda sa pamamagitan ng kanilang Emergency Housing Assistance Program upang matulungan ang mga biktima na maitayong muli ang kanilang bahay.

“Ako ay nagpapasalamat sa ating mahal na President Rodrigo Roa Duterte, kay Senator Bong Go at sa NHA sa kanilang mga tulong na pinansyal. Salamat po talaga. Blessed po talaga ako ngayon at God bless to you po, Senator Bong Go. Maraming salamat po,” ayon kay Marites Vasquez, 52-anyos na biktima ng kalamidad, sa isang panayam.

Sa video message, hinimok ng senador ang publiko, lalo na ang mga kabilang sa priority groups na magpabakuna laban sa COVID-19. Ipinaalala ni Go na libre ang bakuna at patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak na maaabot ang population protection at herd immunity.

“Tuluy-tuloy na po ang pagbabakuna sa iba’t ibang lugar. Kung nasa priority list kayo, magpabakuna na kayo. Ang bakuna ang susi para makamtan natin ang herd immunity ngayong taong at makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay,” sabi ni Go.

“Nakikiusap ako sa mga (local government units), magtulungan tayo sa national government. Kung kailangang suyurin natin ‘yung mga senior citizens at may sakit para protektado sila, gawin po natin,” dagdag pa niya.

Pinayuhan din ni Go, na siya ring Chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang mga residente na nangangailangan ng atensyong medikal na magtungo sa Malasakit Centers sa Lianga District Hospital sa Lianga at sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan may mga kinatawan ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Bilang bahagi ng kanyang commitment na tiyakin na ang maagap na pagtugon ng pamahalaan sa anumang disaster-related incident, binigyan diin ni Go na kailangn ng departamentong tututok sa malawak na disaster preparation and response. Ipinanawagan niya ang pagpasa sa Senate Bill No. 205, para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.

“Dapat maging mas proactive tayo at ipasa na ito sa lalong madaling panahon dahil madalas pong tamaan ng bagyo, lindol at iba pang kalamidad ang ating bansa. Kailangan nating i-scale up ang preparedness and resiliency against disasters,” pahayag ni Go.

“Kung maitatatag ang Department of Disaster Resilience, tunay na magiging handa tayo sa anumang krisis o sakuna. Mas magiging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan, mas maiibsan ang masamang epekto ng kalamidad, at mas mabilis makakabangon ang ating mga kababayan,” paliwanag niya.

Pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal, kabilang sina Mayor Lillian Yu-Lozada at Vice Mayor Melchie Tuscano, para sa kanilang serbisyo. Nanawagan siya na ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon upang matiyak na makarerekober ang kanilang komunidad mula sa pandemya at iba pang krisis.

Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance, nangako rin si Go ng suporta para masemento ang iba’t ibang kalsada sa munisipalidad upang mapabuti ang public service delivery.

Kabilang sa sinuportahan ng senador ang pagsasaayos ng kalsada sa Barobo, Carmen, Madrid, Marihatag, San Agustin, Tago at Tandag City; pagtatayo ng Indigenous People’s center at isang multi-purpose center sa Hinapoyan; pagtatayo ng public market sa Lanuza; at pagbili ng mga ambulansya para sa Lianga at Lanuza.

Una nang nagsagawa ang team ni Go ng kaparehong distribution activity sa mga biktima ng bagyo sa Cortes.

Read more...