Bagong blood testing technology na alok ng WHO pinasusubukan ni Sen. Imee Marcos
Ngayon naliligalig ang buong mundo dahil sa Omicron variant ng COVID 19, hiniling ni Senator Imee Marcos sa gobyerno maging sa pribadong sektor na tanggapin ang alok ng World Health Organization (WHO) na makabagong blood-testing technology.
Sinabi nito na hindi kakailanganin ang paghihigpit sa paggawa at maging sa mga kanayunan ay maisasagawa ang pagsusuri sa dugo.
Diin ng senadora ngayon ang panahon para palakasin pa ang kapasidad ng bansa sa testing kasabay nang pagkasa ng tatlong araw na National Vaccination Program.
“Hindi sapat ang pagbabakuna lang para makontrol ang pandemya dahil sa patuloy na paglitaw ng mga variant gaya ng Delta at Omicron. Kailangan maagap tayo sa pagkalat ng virus, sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy at paghihiwalay sa mga tinamaan, kung ayaw nating bumalik sa malawakang lockdown at humina lalo ang ating ekonomiya,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Economic Affairs.
Nabanggit din nito ang ginagawang paghahanda ng mga eksperto sakaling mapatunayan na hindi sapat ang bisa ng COVID 19 laban sa Omicron.
Nilagdaan na ng WHO at ng blood-testing technology developer na Consejo Superior de Investigaciones Cientificas (Spanish National Research Council) ang kasunduan na wala nang babayaran ang mga kukuha ng lisensya sa paggawa ng nasabing teknolohiya at tuturuan pa sila kung paano ito gagamitin.
“Ang gobyerno at ang ating industriyang pangkalusugan ay dapat makakuha ng nasabing lisensya. Solusyon ito sa hindi patas na pagbahagi ng mga bakuna sa mga mahihirap at middle income na bansa, gayundin sa ating mga mahihirap na munisipalidad,” ani Marcos.
Sa kasalukuyan nasa 40 milyon na ang fully vaccinated na Pilipino o 36% ng tinatayang populasyon na 111 milyon, pero hamon pa rin sa gobyerno na maabot ang target na 70% bago matapos ang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.