Ikinagagalak ni Senator at presidential aspirant Manny Pacquiao ang lumilinaw at patuloy na nadadagdagang listahan ng mga tao na magiging malaking bahagi sa pagpapatupad ng kaniyang Masterplan.
Nakapaloob sa masterplan ni pacquiao ang adbokasiya sa pagbibigay ng ayuda, trabaho at libreng pabahay sa mga pinakamahihirap na mga Pilipino lalo na sa mga nasa liblib na lugar ng mga probinsiya.
Si Pacquiao ay kasalukuyang nasa lalawigan ng Surigao sa ikalawang araw ng kanyang pagsuyod sa mga bayan ng CARAGA region upang maghatid ng tulong sa mga residente at makipagkita sa mga lokal na opisyal upang marinig ang kanilang mga pangangailangan.
Magmula niyong biyernes ay umabot na sa mahigit 50,000 ang mga pangalan na nailista mula sa mga barangay at bayan mula sa CARAGA.
“Masaya ako na mabigyan ng pag-asa ang ating mga kababayan na magkakaroon sila ng marangal na trabaho at mga sariling bahay. Sa ngayon kasi yun ang magpapalakas ng kanilang loob, yung hindi sila mawalan ng pag-asa na bukas gaganda ang mga buhay nila at ang kanilang mga pamilya. Yun ang pinanghahawakan nila para magpatuloy lang sa laban ng buhay,” sabi ni Pacquiao.
Ang paghahatid ng ayuda lalong-lalo na ang pangako ng trabaho at libreng pabahay ang kadahilanan ng pag-iikot ni Pacquiao sa mga rehiyon sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, milyon-milyon na ang nasa tinaguriang master list mula sa mahigit 40 lugar sa bansa mula ng simulan ang database nuong 2019.
Mahigit na 30 milyong Pilipino ang inaasam na matulungan ng programa, mga taong nabibilang sa mga sektor ng lipunan na mga tunay na nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.
“Noon pa man mula nang ako ay magsimula sa serbisyo publiko, ito na ang pangarap ko para sa mga maralita nating mga kababayan. Nasimulan na natin ito, pero kailangan talaga ng malaking suporta at pagpopondo mula sa national government para ma-sustain at maabot ang tinatarget na bilang ng matutulungan. Sana hindi natin mabigo ang ating mga kababayan,” ani pa ni Pacquiao.