British national na nangmaltrato umano ng asawang Pinay, arestado
Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British national na nangmaltrato umano ng asawang Filipina sa Cebu.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga tauhan ng BI Intelligence Division si Charlton William Sydney, 72-anyos, sa isang beach resort sa Sta. Fe, Bantayan, Cebu.
Naglabas aniya ng mission order laban sa dayuhan matapos magdesisyon ang BI Board of Commissioners na kanselahin ang kaniyang permanent resident visa dahil sa pagiging ‘undesirable alien.’
“Let this serve as a warning to other aliens who maltreat and abuse our Filipino women. We can always have you deported if you abuse our hospitality, and commit acts of violence against our countrymen,” paglilinaw ni BI Chief.
Ayon kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr., Sydney, nakakuha ang naturang dayuhan ng permanent visa makaraang makasal sa isang Filipina.
Ngunit kinansela ang naturang visa noong nakaraang taon matapos magreklamo ang asawa nito laban sa kanya.
Nakasaad sa reklamo ng asawa na inaabuso siya ni Sydney noong magkasama silang naninirahan.
Sinabi ng Board na nilabag ng dayuhan ang mga kondisyon at limitasyon ng kaniyang pananatili bilang holder ng permanent resident visa.
Dahil dito, kabilang na si Sydney sa blacklist ng ahensya at hindi na maaring makabalik ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.