P1.8-milyong halaga ng makinarya at kagamitang pangsaka ibinigay ng DAR sa mga magsasaka sa Oriental Mindoro
(DAR photo)
Aabot sa P1.8 milyong halaga ng mga makinarya at kagamitang pangsaka ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform sa tatlong agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) sa barangay Malubay, Malaya at Happy Valley, Oriental Mindoro.
Ito ay para mapabuti at mapalakas pa ng mga magsasaka ang kanilang agri-business enterprise, ani at estado ng pamumuhay.
Pinamunuan ni DAR Acting Secretary Bernie Cruz and pamamahagi ng isang yunit na mini-cargo truck at isang yunit ng timbangan na may 1,000 kg capacity na nagkakahalaga ng P600,000; isang yunit 4WD Kubota L40 farm tractor with rotavator na may halagang P1,117,000 at isang yunit ng amphi tiller na may engine na may halagang P44,950.
“Natutuwa kami na ang mga ayudang ito mula sa DAR ay makatutulong na maisulong ang negosyo ng kanilang kooperatiba at maiangat ang antas ng buhay ng mga ARBs,” ani Cruz.
Ang mga ARBOs na nakatanggap ng mga makinarya at kagamitan ay ang: Malubay Agrarian Reform Beneficiary Association (MARBA); Malaya Agrarian Reform Beneficiary Association (MALARBFASSI); at ang Samahang Kapit Bisig ng Happy Valley (SKBHV).
“Ang mga makinarya at kagamitan ay magbibigay serbisyo sa mahigit 300 na mga magsasaka rito. Ito ay magbibigay sa kanila ng mas madali at mabilis na pagsasaka at magkakaloob ng mas mataas na ani at kita,” ayon kay DAR MIMAROPA Regional Director Marvin Bernal.
Ipinaliwanag ni Bernal na naipatupad ng kagawaran ang mga proyekto sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) at Linking Smallholder Farmers to Market with Microfinance (LinkSFarMM) na naglalayong mapabuti ang pagiging produktibo ng mga sakahan at dagdagan ang netong kita ng mga ARBs sa isang napapanatiling pamamaraan sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon.
Nagpasalamat si MALARBFASSI President Gilbert Faildo sa DAR sa ibinigay sa kanilang farm tractor at sinabing: “Malaking tulong ito sa aming asosasyon, hindi lang sa aming mga miyembro kung hindi pati na rin sa mga taga barangay Malaya. Aalagan naming mabuti ang makinarya para mas maraming miyembro ang makinabang sa nasabing farm tractor.”
Ang pagkakaloob ng mga makinarya ay bahagi ng ginanap na pagpupulong ng Joint National Task Force – Regional Task Force (NTF-RTF) to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.