Alinsunod sa mandatong higpitan ang border security, nahuli ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Zamboanga ang dalawang delivery truck na may kargang sako-sako ng smuggled na bawang at sibuyas sa Labangan, Zamboanga del Sur.
Katuwang ng BOC sa operasyon ang Enforcement and Security Service – Customs Police Division (ESS–CPD) Zamboanga District Office, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Port of Zamboanga Field Station, and Subport of Zamboanga Peninsula (ZAMPEN), kasama ang Department of Agriculture – Bureau of Plant Industry (DA – BPI) Pagadian City.
Nadiskubre ang mga kontrabando na nagkakahalaga ng P190,400 sa BOC checkpoint sa bahagi ng Barangay New Labangan.
Ayon sa mga drayber ng dalawang trak, nagmula sila sa Cagayan de Oro City at inatasan silang ipadala ang umano’y iba’t ibang lokal na produkto sa gulay sa mga pamilihan sa Pagadian at Zamboanga City.
Nang suriin ng mga awtoridad ang laman nito, nakita ang 151 na maliliit na sako ng hinihinalang imported na pulang sibuyas at 121 na maliliit na sako ng umano’y imported na bawang, na hinalo sa mga lokal na produkto at gulay.
Ayon sa BOC, paglabag ito sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.
Dinala ang mga kontrabando sa DA – BPI Pagadian City Office para sa proper disposition.