Sa halip na alisin sa Ayungin Shoal, ayusin pa dapat ang BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson dahil aniya masama na ang kondisyon ng naturang barko ng Philippine Navy na sadyang isinadsad noong dekada 90 para igiit na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng sobereniyan ng Pilipinas.
Sa panayam kay Lacson at sa kanyang running mate na si Senate President Vicente Sotto III, sinabi ng senador na kung maari ay dagdagan pa ang barko ng Pilipinas na nakabase sa naturang bahagi ng West Philippine Sea.
Kontra ang dalawa sa posisyon ng China na dapat alisin ng Pilipinas ang naturang barko sa katuwiran na teritoryo nila ang Ayungin Shoal.
Kamakailan ay bumisita si Lacson sa Pagasa Island para personal na malaman ang sitwasyon at kondisyon ng pamumuhay ng mga residente at sundalo sa isla.
Ibinahagi niya na sisimulan na ang pagsasa-ayos ng BRP Sierra Madre para maging ligtas ito sa mga nagbabantay na tauhan ng Philippine Marines.