Isko Moreno, Dr. Willie Ong kapwa negatibo sa drug test
Tinupad nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Dr. Willie Ong ang kanilang pangako kahapon na boluntaryong sasailalim sa drug-test sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Agad din naman lumabas ang resulta at kapwa negatibo sa paggamit ng cocaine, shabu, marijuana at iba pang uri ng ipinagbabawal na gamot ang standard bearers ng Aksyon Demokratiko.
Ibinahagi ni Domagoso na sa pamamagitan ng kanilang ihi ay inalam kung sila ng kanyang running mate ay gumagamit ng droga.
Aniya pinili niya na sa PDEA magpa-drug test sa paniniwala na ito ang pinaka-credible na makakapagsagawa ng naturang pagsusuri.
Sinabi pa nito na suportado naman niya ang war on drugs ni Pangulong Duterte at mahalaga na hindi gumagamit ng droga ang mga susunod na mamumuno sa bansa.
Pangalawa sina Domagoso at Ong na nagpa-drug test sa PDEA, nauna na sina Sens. Panfilo Lacson at Vicente Sotto III.
Sina Sen. Manny Pacquiao at dating Sen. Bongbong Marcos ay isinapubliko na lamang ang negatibo din resulta ng kanilang drug tests.
Ang pagpapa-drug test ng mga kandidato ay nag-ugat sa pagbubunyag ni Pangulong Duterte na isang presidential candidate ang lulong sa cocaine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.