Kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno na sangkot sa kampanya sa terorismo, dumaan na ang mga tauhan ng BI sa limang araw na hybrid training noong nakaraang linggo para mahasa ang kapasidad sa pag-detect at maiwasan ang pagbiyahe ng mga terorista at kriminal sa pamamagitan ng API at PNR systems.
Ang API at PNR systems ay primary systems na kabilang sa Advance Passenger Information System (APIS) ng ahensya. Isa itong electronic data exchange system kung saan nakakatanggap ang BI ng mga impormasyon ukol sa mga parating na dayuhan.
“This data would particularly be useful in preventing the entry of suspected terrorists to the country,” pahayag ni Melvin Mabulac, pinuno ng BI APIS office.
Bahagi ang naturang seminar ng UN Countering Terrorist Travel Program, sa pangunguna ng United Nations Office of Counter-Terrorism, katuwang ang UN Security Council Counter-Terrorism Committee Executive Directorate, International Civil Aviation Organization, Interpol, UN Office on Drugs and Crime, UN Office of Information and Communications Technology, at suportado ng Australian Government.
Samantala, sumalang din ang mga BI officer na nakatalaga sa mga paliparan sa tatlong araw na virtual training sa human rights, gender-sensitive, at child-friendly approaches sa trafficking in persons (TIP) handling para sa frontline officers.
Inorganisa ang nasabing pagsasanay ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights, katuwang ang ASEAN-Australia Counter Trafficking.
Maliban sa pagdalo, nagsilbi ring speaker ang isang representante mula sa BI at ibinahagi ang mga karanasan at pamamaraan ng ahensya sa pag-detect ng mga biktima ng trafficking sa iba pang attendees.
“These trainings improve the quality of our personnel to better implement some of our key roles,” pahayag ni Morente.
Hindi aniya nahinto ng pandemya ang mga terorista at traffickers mula sa ilegal na aktibidad.
“In fact, there is more reason for us to be alert and on guard in these trying times. Our cooperation with our international counterparts will greatly aid us in ensuring that our borders and our people are protected from these grave threats,” dagdag nito.