Simula bukas, Nobyembre 24, 2021 bukas na sa mga motorista ang dalawang tulay sa Quezon.
Pangungunahan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Acting Secretary Bernie Cruz ang inagurasyon ng Bagupaye bridge project sa Mulanay at Malawmaw bridge project sa San Francisco.
Nagkakahalaga ang dalawang tulay ng P20 milyon.
Ayon kay Cruz, ang Bagupaye Bridge Project ay may 18.56 linear meters ang haba, 6.1 meters ang lapad, na may 190 metro approaches na magdudugtong sa barangay Bagupaye hanggang brgy. Anonang at Burgos sa Mulanay.
Ang Malawmaw bridge project ay 34.20 linear meters ang haba, 6.1 meters ang lapad, na may approach na magdudugtong sa barangay Pagsangahan hanggang brgy. Huyon-huyon sa San Francisco, Quezon.
Sinabi ni Cruz na ang mga tulay ay itinayo ng DAR sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga provincial at local government units (LGUs) ng Quezon sa ilalim ng Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang Agraryo (TPKP) program upang suportahan partikular ang mga agrarian reform beneficiaries ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
“Ang dalawang tulay ay may kabuuang halaga na PHP20-milyon na pinondohan sa pamamagitan ng foreign-assisted projects ng DAR,” pahayag ni Cruz.
Paliwanag ni Cruz na ang DPWH ang DAR partner implementing agency habang ang pamahalaang lokal ng Mulanay at San Francisco ang aalalay sa pamamahala, operasyon, at pagpapanatili ng mga tulay.
Sinabi ni DAR-Quezon Provincial Agrarian Reform Program Officer II Engr. Cornelo P. Villapando na humigit-kumulang 28,000 residente kabilang na ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na nagsasaka ng may lawak na 14,200 ektaryang lupang agrikultural ang makikinabang sa dalawang proyekto.
Ang seremonya ng turn-over ng tulay ay pangungunahan ng DAR Quezon II provincial office, kasama ang DPWH, ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon at mga kinatawan ng munisipyo ng Mulanay at San Francisco.