Privacy Commission pinakikilos ni Sen. Joel Villanueva ukol sa ‘budol text scams’
Umuulan ng text messages ukol sa mga inaalok na trabaho at sinabi ni Senator Joel Villanueva dapat imbestigahan ito ng National Privacy Commission (NPC).
Ayon kay Villanueva ang mga tinatawag na ‘robo text’ ay maaring nag-ugat sa data breach o data sale ng mga pribadong impormasyon ng mga indibiduwal.
Sinabi nito na binaha ang social media ng mga reklamo ukol sa natatanggap na text messages na nag-aalok ng trabaho na may katapat na malaking suweldo o komisyon.
“Marami pong kababayan natin, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho ang maaring mabudol sa mga text scams na ito,” pangamba ng senador.
Aniya dapat ay makipag-ugnayan ang NPC sa National Telecommunications Commission (NTC) para matigil na ang data breach sa mga pribadong impormasyon ng mga tao.
Hiniling din niya ang pag-uugnayan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobeyrno at telcos upang matigil na ang pagkalat ng naturang ‘text scam.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.