DOTr, LTFRB pinuri sa agarang paglalabas ng pondo para sa service contracting program sa Iloilo

DOTr Facebook photo

Nagpasalamat ang Provincial Government ng Iloilo kay Transportation Secretary Art Tugade at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa agarang paglalabas ng pondo para sa mabayaran ang mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na kasama sa Service Contracting Program.

Sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 2021-566, ipinarating ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo ang pagkalugod sa kalihim, LTFRB Chairman Martin Delgra III, at LTFRB Region VI Director Richard Osmeña para sa pagbabayad sa mga miyembro ng City Loop Integrated Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association, Inc. (CLIAJODA, Inc.) at Federation of Western Visayas Transport Cooperative.

“Lubos na nagpapasalamat kami sa Provincial Government of Iloilo sa kanilang pagkilala sa DOTr at LTFRB. Wala po tayong ibang layunin bukod sa makatulong sa ating mga kasamahang transport worker at mga mananakay lalo sa panahong ito,” pahayag naman ni Tugade.

Sa ilalim ng Service Contracting Program, magbibigay ang gobyerno ng payouts bilang subsidiya sa PUV operators at drivers base sa kilometrong itinakbo ng sasakyan.

Layon ng programa na masuportahan ang mga transport worker at makapaghatid ng ligtas at maaasahang operasyon ng public transportation.

Binibigyang-daan din nito ang pagpapatuloy ng operasyon ng “Libreng Sakay” program para sa healthcare workers at iba pang essential workers sa gitna ng pandemya.

“Malaking tulong ‘ho ang Service Contracting sa ating mga mahal na tsuper at operator sapagkat sila ay babayaran ng gobyerno ng insentibo per kilometer run, may sakay man sila o wala. Nais namin na mas marami pang PUV drivers at operators ang makinabang sa Service Contracting Program,” ani Delgra.

Dagdag pa nito, “Hanggat may pondo, tutulungan po ng DOTr at LTFRB ang mga transport workers lalo na ang mga naapektuhan ng pandemya.”

Read more...