Palalawigin ng Quezon City government ang scholarship program.
Sa mga susunod na taon, dalawang bagong scholarship categories ang madadagdag sa scholarship brackets para sa senior high schools, tertiary students (ang mga nasa ilalim ng academic, youth leaders, economic, at specialized courses), at post-graduate students.
“Karapatan ng bawat kabataan ang de-kalidad na edukasyon kaya’t hindi tayo nag-atubiling palawakin pa ang kasalukuyang scholarship program ng lungsod para mas marami pang mag-aaral ang makatanggap nito,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Sa ngayon, isinasapinal ang mga angkop na kurso para sa athletic at arts scholars.
Bumubuo na rin ng mga panuntunan para sa vocational scholars.
Ang mga estudyante na magiging kwalipikado sa athletics at arts scholarship ay makatatanggap ng P10,000 tuition grant na may P4,000 stipend kada taon, habang ang mga kukuha naman ng vocational courses ay makatatanggap ng P6,000 tuition stipend mula sa lokal na pamahalaan.
Maliban sa karagdagang programa, tataasan din ng QC LGU ang tuition subsidy at stipend sa bawat scholarship program para sa School Year 2021 to 2022.
Makakatanggap rin ng P30,000 thesis grant ang Masters/Doctorate student scholars.
Target din ng QC LGU na masuportahan ang 20,000 estudyante para sa susunod na taon, na halos 4,000 mas mataas kumpara sa kasalukuyang taon.
Ayon kay QCYDO OIC Lyn Dividina, kinakailangang magsumite ng mga nais maging QC scholars ng kanilang aplikasyon at requirements sa pamamagitan ng link na naka-post sa Quezon City government at YDO Facebook pages.
Sisimulan aniya ang pagtanggap ng aplikasyon sa November 22, 2021.
“On November 22, we will start accepting applications for our scholarship program. Kailangan mag-register muna sila sa QCitizen ID at ipasa iyon kasama ng iba pang requirements sa provided link. Sa mga susunod na buwan, maisasama na ito sa ating e-services upang maging angkop sa new normal at para maging mas mabilis din ang pagpo-proseso ng mga dokumento dahil online na,” paliwanag nito.
Ang mga nais maging scholar ay residente dapat ng Quezon City; enrolled, registered, at tanggap sa isang educational institution; at kailangang makumpleto ang lahat ng requirement at kwalipikasyon sa programa.
Upang makita ang kumpletong listahan ng scholarship categories, priority courses, requirements at qualifications, at application, magtungo sa Quezon City government website at Youth Development Office facebook page.
Para naman sa mga katanungan, maaring dumulog sa YDO sa numerong (02) 8988 4242 loc 8707/8738 o magpadala ng email sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.