Nanawagan muli si Senator Sherwin Gatchalian sa mga telcos at bangko na gumawa ng mga kinauukulang hakbang para mapagtibay ang pagbibigay proteksyon sa kanilang mga kliyente laban sa ‘SIM swap scheme.’
Kasunod ito nang pagkakatangay ng P1.7 milyon sa credit card ng isang maybahay matapos siyang tumanggap ng misteryosong tawag sa kanyang cellphone.
Ayon sa maybahay matapos ang tawag ay hindi na matawagan ang kanyang numero at nalaman nito na na-hack ang kanyang SIM at naisakatuparan ang online credit card transaction.
“Obligasyon ng mga telcos at bangko na bigyan ng mas matibay na proteksyon ang mga konsyumer at isaalang-alang ang pagtaas ng bilang ng digital transactions simula noong pumutok ang pandemya,” diin ni Gatchalian.
Inihain ng senador ang Senate Bill 2287 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act na layong pagtibayin pa ang kapangyarihan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, gayundin ang Securities and Exchange Commission, Insurance Commission at Cooperative Development Authority para sa proteksyon ng publiko.
“Ang seguridad ng impormasyon ay responsibilidad hindi lang ng anumang institusyon kundi pati na rin mismo ng publiko. Ang bawat isa ay dapat maging mapanuri sa pagbibigay ng kanilang personal na impormasyon o sa pagbabahagi nito sa iba,” dagdag pa ni Gatchalian, na siyang vice chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.