Mga kandidato hinamon ni Sen. Leila de Lima na ilatag ang posisyon sa WPS issue
Iginiit ni Senator Leila de Lima na dapat ay ihayag ng lahat ng mga kandidato sa national elections ang kanilang posisyon ukol sa isyu ng pang-aagaw sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Nagbunsod ang paghahamon ni de Lima sa panibagong insidente sa Ayungin Shoal, kung saan hinarang at itinaboy ng Chinese Coast Guard ang dalawang Filipino supply ships.
Magdadala sana ang supply ships ng mga pangangailangan ng mga tauhan ng Philippine Marines na nagbabantay sa Ayungin Shoal.
“Hindi dapat mawala sa diskurso ang usapin ng West Philippine Sea. Gawin natin itong normal na bahagi ng pang araw-araw na usapin, katulad ng trabaho, pabahay, pagkain, kalusugan. Buhay at kabuhayan ng ating mga kasamang mangingisda ang nakasalalay dito; kinabukasan ng ating mga anak, nating lahat. Dahil dito, kailangang malinaw din sa taumbayan ang paninindigan ng ating mga kandidato pagdating sa usapin ng WPS,” diin ng senadora.
Dagdag pa ni de Lima na hindi sapat ang paghahain lamang ng diplomatic protest sa tuwing may insidente ng pambu-bully sa WPS dahil aniya hindi naman kinikilala ng China ang mga diplomatikong pamamaraan.
“What we need is political will to defend our sovereignty and tell China to back off. We cannot afford another six years of subservience and servility, in the guise of a long and abiding friendship,” ayon pa sa namumuno sa Senate Committee on Social Justice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.