Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na wala pang ipinapadalang sulat ang gobyerno ng Amerika para sa pagpapadala sa US kay Apollo Quiboloy, ang spiritual adviser ni Pangulong Duterte.
Ito ay matapos mapa-ulat ang pagkakasakdal ni Quiboloy, ang nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ -The Name Above Every Name (KOJC), sa federal grand jury sa kasong sex trafficking.
“As of this date, the DOJ has not received any request for extradition from the US DOJ nor from the US State Department thru the DFA,” sabi ni Guevarra.
Dagdag pa nito wala rin kinahaharap na kasong sex trafficking si Quibioloy sa anuman korte sa Pilipinas.
Ngunit ibinahagi ni Guevarra na naharap sa kasong rape si Quiboloy ngunit napawalang-sala na ito bagamat naka-apila ang desisyon.
Kasama sa mga nasakdal sa korte sa US ang isang Teresita Dandan at Felina Salinas.
Base sa record sa US DOJ website, mula 2002 hanggang 2018, kumuha sina Quiboloy ng mga babae na may edad 12 hanggang 25 upang magsilbi sa kanya at isa sa mga ipinagawa diumano sa mga ito ay ang pakikipagtalik kay Quiboloy.
Diumano, kapag tumatanggi ang mga babae ay sinasabi na sinasapian sila ng demonyo at pinagbabantaan na mapupunta sa impiyerno.
Kapag sila naman ay sumunod ay binibiyayaan diumano sila ng masasarap na pagkain, biyahe sa mga tourist spots at pera, na mula naman sa pondo na nalilikom ng mga tagasunod ni Quiboloy sa US.