Manila City itinanghal na Most Business-Friendly LGU

Manila PIO photo

Panalo ang Manila City government sa 2021 Most Business-Friendly LGU award ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.

Ayon kay presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno, nagpapasalamat ang lokal na pamahalaan sa pagkilala ng PCCI.

“Maraming salamat po at na-appreciate ninyo ‘yung aming small effort na maging mabuting pamahalaan sa mga namumuhunan upang nang sa ganoon magkaroon ng pagkakataon na makapaghanap-buhay ang ating mga kababayan,” pahayag ni Moreno.

Kabilang sa mga programa na nagpanalo sa Manila ay ang pagtatatag ng Business One Stop Shop (BOSS) na nagtataguyod ng ease of doing business sa lungsod; Go Manila App na nagbibigay ng mabilis at epektibong public services; at  Manila Support Local Campaign na tumutulong sa mga maliliit na negosyante na makabangon sa pandemya sa COVID-19.

“Umasa po kayo na patuloy po naming pagbubutihin na maging business friendly ang ating lungsod, ang kapitolyo ng bansa. Sa maliit naming kaparaanan, pipilitin naming maging masinop, mainam, at episyente kayong paglingkuran at maging kaagapay ninyo ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na itaguyod ang inyong Negosyo. At ang inyong negosyo naman kapag ito’y nagtagumpay, mapagtatangumpayan namin ang pangarap namin sa mga kababayan namin makapag-trabaho,” pahayag ni Moreno.

Una nang inanunsyo ni Roberto Amores, ng LGU Awards chairman for Cities na nanalo ang Manila sa LGU Awards for City Level 1-A for Highly Urbanized Cities sa National Capital Region sa 47th Philippine Business Conference and Expo na ginanap sa Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.

Tinalo ng Manila ang Caloocan, Makati, Malabon, Muntinlupa, Pasig, Quezon at Valenzuela.

 

Read more...