Nagpaalala si House Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda sa mga guro at non-teaching personnel na huwag dapat magpakampante sa pagsisimula ng pilot implementation ng face-to-face classes.
Aniya, patuloy kasi ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Europa makaraang buksan sa publiko ang mga paaralan, establisyemento, at ilang pasyalan.
Lubha aniyang nakababahala ang pagdami muli ng COVID-19 cases sa Europa dulot ng masyadong maluwag na health protocols.
Ani Legarda, dapat pa ring ipatupad ng mahigpit na health protocols sa mga paaralan para maiwasan na mahawa ng virus ang mga estudyante.
Nagkaloob si Legarda ng 1,000 Moderna vaccines sa mga guro at DepEd personnel upang masigurong protektado ang mga kawani ng kagawaran at mga gurong humaharap sa mga mag-aaral na nagsisilbing frontliners ng education sector.
Panawagan ng three-term senator, sundin pa rin ang pagsusuot ng face masks, social distancing at mag-hugas ng mga kamay at siguraduhing malinis ang kapaligiran.
Matatandaang nakikipagtulungan din si Legarda sa DepEd sa pagsusulong ng mga iba’t-ibang programang magpapabuti sa estado ng edukasyon sa bansa, kasama ang pagdadagdag ng “chalk allowance” ng mga guro at ang pagbibigay ng Teachers’ Day Allowance sa unang pagkakataon noong Oktubre 2019.