Deliberasyon sa 2022 national budget sa Senado natigil ng COVID 19

Inanunsiyo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na suspindo hanggang sa darating na Lunes, Nobyembre 22, ang deliberasyon sa 2022 national budget.

Kasunod ito nang pagiging COVID 19 positive ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, na nasa Senado noong Martes para sa deliberasyon ng 2022 budget ng Department of National Defense.

“We have no sessions tomorrow. Unfortunately, we have to close shop. The secretariat will sanitize the premises,” sabi ni Zubiri.

Pinayuhan na rin nito ang lahat na nasa plenary debates noong Martes na mag-isolate muna sa kanilang bahay ng limang araw bago sumailalim sa COVID 19 test.

Ilan naman sa mga senador ang sumailalim na sa antigen testing kagabi at nag-negatibo ang resulta.

Si Sen. Joel Villanueva, na nakipag-kamay pa kay Lorenzana, sinabi na sa darating na araw ng Linggo, ay sasailalim naman sila sa RT-PCR test.

Nagbahagi pa si Villanueva ng screen grab picture nang pagkamay nil ani Lorenzana at katabi lamang niya sina Zubiri, Sens. Nancy Binay at Francis Tolentino, samantalang naka-upo sa kanilang harapan si Sen. Ronald dela Rosa, na siyang nag-sponsor ng budget ng DND.

Samantala, pinaalahanan ni Senate President Vicente Sotto III ang lahat ng mga public officials na istriktong sumunod sa safety protocols.

“So now we have to close the Senate. We have to close it down now because of that. The entire budget will be delayed,” sabi nito.

Nabatid na galing sa official trip sa Poland si Lorenzana at noong dumating ito sa bansa noong Nobyembre 14 ay nasa ‘green list’ pa ang naturang bansa, ngunit makalipas ang dalawang araw ay inalis na ito sa listahan.

Ang mga nagmumula sa ‘green list countries’ na papasok sa bansa ay hindi na kinakailangan na mag-quarantine sa pasilidad basta may negatibong resulta ng swab test.

Read more...