Iniulat ng Internal Revenue Service ng United States Treasury Department na mayroon pang hindi naayos na tax liabilities si Senador at Presidential aspirant Manny Pacquiao.
Ayon sa ahensya, nakasaad sa kopya ng “Federal Tax Lien” notice mula sa Los Angeles County’s Recorder’s Office na mayroon pang limang hindi naayos na tax payments ang retiradong boxing champion sa bansa: apat noong 2016 at isa naman noong 2017 na nagkakahalaga ng $20,813,070.36 o P1.036 bilyon.
May petsang June 7, 2017 ang naturang tax lien notice ngunit hanggang ngayon, hindi pa ito naayos at naka-post pa rin sa LA County’s Recorder’s Office hanggang November 5, 2021.
Base sa IRS, ang federal tax lien ay isang legal claim ng U.S. government laban sa mga may-ari na hindi nagbabayad o bigong makapagbayad ng buwis.
Pinoprotektahan nito ang interes ng federal government sa lahat ng pag-aari ng tax payer, kabilang ang real estate, personal property at financial assets.
Bukod pa sa kailangang bayarang buwis, nahaharap din ang senador sa isang breach of contract case laban sa Outfit Paradigm Sports na maaring magkahalaga ng kalahating bilyong piso.