Maagang pagbibigay ng yearend bonus, inihirit
Hinikayat ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang mga ahensya ng gobyerno na maagang ibigay ang yearend incentive o bonus ng kanilang mga empleyado.
Ayon sa kongresista, ito ay upang ma-schedule ng publiko ang pamimili para sa holiday season.
“They will be able to avoid crowds in malls and other shopping areas if they can plan their purchases in advance, and they can steer clear of the highly infectious novel coronavirus,” saad ng mambabatas.
Sa ilalim ng Republic Act no. 11466, maliban sa mid-year bonus na katumbas ng isang buwang sweldo, sinabi ni Defensor na humigit-kumulang isang milyong empleyado ng gobyerno ang dapat makatanggap ng yearend incentive, na katumbas din ng isang buwang sahod, dagdag pa ang P5,000 na cash gift.
Nakasaad aniya sa batas na dapat ibigay ang yearend incentive o Christmas bonus sa buwan ng Nobyembre kada taon.
Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, alinsunod sa batas, ipinag-utos na aniya ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagbibigay ng karagdagang sweldo sa linggong ito.
“Other agencies could give out the yearend benefits also this week or next week,” dagdag nito.
Ipinunto rin nito na dapat nai-release na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondong kakailanganin ng mga ahensya para sa yearend bonus at P5,000 na cash gift.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.