Nais malaman ni PNP Chief Dionard Carlos ang puno’t dulo nang pagbasura ng korte sa illegal drug case na isinampa laban kay Julian Ongpin, anak ni dating Trade Minister Roberto Ongpin.
Sinabi ni Carlos na inatasan na niya si Ilocos Region police director, Brig. Gen. Emmanuel Peralta na alamin ang mga dahilan ng naging desisyon ni Judge Romeo Agacita Jr., ng San Fernando City RTC Branch 27.
Ikinatuwiran ni Agacita sa kanyang 12-pahinang desisyon na hindi nasunod ang nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 nang madiskubre ng mga pulis ang higit 12 gramo ng cocaine sa hotel room ng nakakabatang Ongpin.
Aniya nabigo ang mga pulis na markahan bilang ebidensiya ang 18 plastic sachets na sinasabing naglalaman ng cocaine.
Una na rin ikinatuwiran ni Peralta na aksidente lamang ang pagkakadsikubre ng droga sa kuwarto, kung saan nadiskubre din ang hinihinalang patay ng si Bree Jonson noong Setyembre 18.
Sinabi ni Carlos na awtomatikong rerebyuhin ang kaso para malaman kung nagkaroon ng pagkukulang sa bahagi ng mga pulis na unang rumesponde sa insidente.