Nahuli ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na South Korean national na wanted sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ng BI fugitive search unit (FSU) na naaresto ang mga dayuhan sa Mabalacat, Pampanga at Taguig.
Sa bahagi ng CM Recto Highway sa Clark Freeport Zone, Pampanga, nahuli si Won Jinchul, 40-anyos, dahil sa pagiging undocumented alien at bantay sa kaligtasan at seguridad ng publiko.
Ani Morente, inilabas ng Seoul Central District Prosecutors Office ang arrest warrant laban kay Won dahil sa fraud.
Miyembro umano si Won ng isang voice phishing syndicate sa Korea, kung saan niloko nito ang mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang pulis o bank employee.
Naaresto rin ang tatlo pang Korean fugitives na sina Shim Jae Yong, 28-anyos; Kwon Hyunil, 32-anyos; at Cha Jun Young, 25-anyos, sa isang condominium sa Barangay Bambang, Taguig City.
Ani BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, may kinakaharap si Shim na warrant of deportation mula sa ahensya.
Kabilang kasi ang naturang dayuhan sa Interpol Red Notice at mayroon itong warrant of arrest dahil sa fraud.
Miyembro umano si Shim ng telecom fraud syndicate na sangkot sa voice phishing na nag-operate sa Maynila simula noong January 2017.
Kabilang din si Cha sa naturang fraud kung saan kumita ito ng 18 Billion KRW o P762 milyon mula 2018 hanggang 2020.
Sa operasyon laban sa dalawa, natunton din ng mga ahente ng BI si Kwon sa bisinidad.
Kinumpirma ng Korean authorities na nahaharap si Kwon sa warrant of arrest dahil sa fraud.
“These illegal aliens have no place in our country,” ani Morente at dagdag nito, “Their nefarious activities will not prosper here, as we are intent in locating, arresting, and deporting these wanted criminals.”
Sa ngayon, pansamantalang nananatili ang apat na dayuhan sa BI detention center sa Bicutan, Taguig.