Sa pagpupursige ni Bokal Donaldo “Jet” Suarez na anak ni Quezon Governor Danilo Suarez, ipinasa ng konseho ang 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020.
Una rito, binuo ng konseho, kasama si Vice Governor Samuel Nantes, ang kapulungan bilang committee-as-a-whole noong umaga ng Sabado at agad isinagawa ang special session bandang tanghali.
Bukod kay Suarez, dumalo rin ang tatlo nitong kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.
Kaagad idinaos ang marathon committee hearing at special session matapos na ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc ay pinatawan ng 60-day suspension noong Nov. 11, ng Department of Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President kung saan nagsampa ng demandang abuse of authority, oppression at grave misconduct.
Ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia, kabilang din sa majority bloc ngunit di nakasama sa suspension, ay hindi dumalo sa nasabing committee hearing at special session kung saan ipinasa din ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Ubana, tumatayong leader ng Majority bloc, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntuning itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos nang tama ang salapi ng bayan.
Malinaw aniya na batay sa ginawang pag-aaral, may mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna ng naaprubahan ng konseho.
Una, may nakita umano silang halos 200 hanggang 300 milyong disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagkagastusan ng pondo.
Pangalawa, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.
Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “this budget seeks to provide response and recovery for Covid.” Subalit nang tignan ang nilalaman nito, nakita na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40 porsyento ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng ospital sa probinsiya at may karga naman na halos 40 milyong pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.
Sapat ng mga dahilan ito, ayon kay Ubana, para hindi nila ipasa ang naturang budget proposal.
Mayroon din aniyang sapat na panahon ang Office of the Governor para baguhin o gawan ng revision ang na-disapprove na budget proposal at mabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan subalit hindi ito ginawa ng gobernador at sa halip ay inakusahan pa ang konseho ng pamumulitika.