Nagtungo si Lin sa NBI upang maimbestigahan ang mga nag-aakusang drug lord umano ang kaniyang asawa at nagdadawit sa kanilang mga anak na pawang mga menor de edad sa naturang isyu.
“Malinaw naman po na ginagamit ang ganitong uri ng mga post para sirain ang aking pangalan habang papalapit na ang eleksiyon,” ani Lin, na tumatakbo bilang kinatawan ng Distrito Singko ng Quezon City sa ilalim ng partidong Malayang Quezon City.
Sa tinukoy na Facebook posts, inisa-isa ang mga dahilan umano ng pagkakasangkot ng asawa ni Lin na si Wei Xiong Lin sa mga iligal na gawain.
Nakasaad din sa post na malaki umano ang posibilidad na isang drug-funded election campaign ang pagtakbo ni Lin sa Kongreso.
Binanggit din ni Lin ang iba’t ibang news sources na naglalaman umano ng mga impormasyon ukol sa mga kasong kinasangkutan noon ng asawa nito, kasama sina ex-presidential adviser Michael Yang at Johnson Chua.
Ani Lin, matagal nang napasinungalingan ang mga nasabing isyu laban sa kaniyang asawa dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Kampante rin si Lin nang sabihing ang asawang si Wei Xiong Lin ay may NBI clearance at isang lehitimong negosyanteng Chinese na nagbabayad ng tamang buwis.
Tiwala rin aniya siya sa kaniyang asawa at sa mga negosyong pinapasok nito.
Ayon pa kay Lin, patuloy na idinidiin ng mga troll ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan at ng kumpanyang Pharmally Biological sa kaso ng Pharmally Pharmaceutical na dinidinig sa Senado.
Mahaharap ang mga akusado sa kasong cyber libel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012,” kung saan maaring mapatawan ng pagkakakulong nang anim na taon at isang araw hanggang 10 taon.
Maliban dito, naghain din si Lin ng kasong child abuse o Violation of Republic Act 7610: Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) laban sa mga social media page at personalidad dahil sa malisyosong pag-upload ng litrato ng kaniyang mga anak.
Narito ang pahayag ni Lin: