2 araw na relief activity, isinagawa sa Davao Oriental
Kasabay ng muling apela sa publiko na tulungan ang gobyerno na maabot ang herd immunity sa pamamagitan ng pakikilahok sa national vaccination program, tiniyak ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagtulong sa mga apektadong komunidad upang makabangon.
Sa kanyang video message sa dalawang araw na relief activity para sa 2,000 residente sa Governor Generoso, sa Davao Oriental, hinikayat ni Go ang publiko na magpabakuna at kumpletuhin ang kanilang doses dahil magsisilbi itong karagdagang proteksyon laban sa virus, lalo na sa gitna ng pagsulpot ng bagong COVID-19 variants.
Tiwala si Go, na siyang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, na makababalik din sa normal ang bansa basta’t mananatiling disiplinado at tumatalima ang mga Filipino sa health preventive measures.
“Magtulungan lang tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung ‘di kapwa nating Pilipino. Malalagpasan din natin ang krisis na ating kinakaharap basta po ay magkaisa at magbayanihan tayo,” sabi ni Go.
“Kung nasa priority list na kayo, pakiusap lang magpabakuna na kayo. Ang bakuna ang susi o solusyon para unti-unti tayong makabalik sa normal nating pamumuhay gaya noon. Pakiusap lang namin, disiplina at kooperasyon lang,” dagdag pa niya.
Upang matiyak ang ligtas na distribusyon, hinati ng staff ni Go sa maliliit na grupo ang mga residente para sa outreach activity na isinagawa sa open space sa Barangay Manuel Roxas, kung saan namahagi sila ng relief items, gaya ng meals, masks at vitamins.
Bukod dito ay namahagi rin ang team ng computer tablets, mga bagong sapatos, at bisikleta sa ilang residente.
Sa pamamagitan naman ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation program, nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pinansiyal na ayuda sa bawat residente.
Samantala, nag-evaluate ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Department of Trade and Industry (DTI) ng potential beneficiaries para sa kani-kanilang livelihood programs. Ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) naman ay tinukoy ang mga kuwalipikadong indibidwal para sa kanilang scholarship program.
Para matulungan ang mga residente na may problemang medikal, hinimok ni Go ang mga ito na bumisita sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City kung saan matatagpuan ang Malasakit Center available. Sa kasalukuyan ay mayroon ng 148 na Malasakit Centers sa buong bansa.
“Ang Malasakit Center po ay batas na, isinulong ko noon, pinirmahan ni Pangulong Duterte. Ang Malasakit Center po ay para sa mga poor and indigent patients. Tutulungan ho kayo hanggang maging zero balance po ang inyong billing,” paliwanag ni Go.
BIlang pagtatapos sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Go ang local leaders, kabilang sina Representative Joel Almario at Governor Nelson Dayanghirang, sa pagtulong sa kanilang komunidad na makabangon mula sa economic challenges dulot ng pandemya.
Bilang Vice Chair of Senate Committee on Finance, sinuportahan ni Go ang iba’t ibang inisyatiba na naglalayong paghusayin pa ang pagseserbisyo publiko sa lalawigan, kabilang ang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga kalsada sa Baganga, Boston, Caraga, Cateel, at Lupon; paglalagay ng street lights sa ilang barangay sa Banaybanay; pagtatayo ng potable water systems sa Baganga at Lupon; rehabilitasyon ng Buso Hot Spring sa Mati City; at pagtatyo ng municipal slaughterhouse sa San Isidro.
“Pakiusap lang namin sa inyo, kailangan namin ang inyong kooperasyon at disiplina ng bawat Pilipino. Mag-ingat kayo palagi at magdasal tayo palagi. At tandaan ninyo, mahal namin kayo ni Pangulong Duterte,” saad pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.