Food security, apektado ng black sand mining ng China sa Cagayan
Isang advocacy group ng mga kabataan ang humiling ng agarang imbestigasyon ng Kongreso sa sinasabing black sand mining ng mga grupong Tsino sa Cagayan.
Sa isang press statement, sinabi ng Atin Ang Pinas, isang grupo ng mga millennial at progresibo, na ang ginagawang black sand mining sa Cagayan ay umuubos ng mga likas na yaman ng Pilipinas at sumisira sa tirahan ng iba’t ibang uri ng hayop sa dagat na lubhang nakakaapekto sa ikinabubuhay ng libu-libong mangingisdang Pinoy.
“Tila nagbubulag-bulagan ang ating gobyerno sa ginagawang pagsira sa ating kalikasan at hinahayaan ang mga Tsinong kumpanya na magsagawa ng black sand mining sa ating katubigan,” wika ng Atin Ang Pinas.
Iniulat ng LICAS (Light of Catholics in Asia) News noong Nob. 12 na noong Setyembre 8, ang Pinoy na mangingisda na si RJ Pacubas ay napaiyak ng banggain ng “Endeavour 1,” isang barko na may mga Tsinong tauhan, ang kanyang fishing net sa Cagayan.
Ang “Endeavour 1” ay isang “dredger vessel” na kumukuha ng mga buhangin, graba at sediment sa ilalim ng katubigan tulad ng ilog at dagat.
Ang naturang barko, na may kakayahang magkarga hanggang 8,000 metriko tonelada ng buhangin, ay nagdadala nito sa “Hongchang,” isang Tsinong barko na sinasabing “mothership” na naglalabas ng mga materyal na buhangin palabas ng Pilipinas.
Sinabi ng paring si Manuel Catral ng Aparri, lead convenor ng grupong Cagayan Advocates for the Integrity of Creation, ang “Hongchang” ay naghakot ng buhangin mula sa Pilipinas ng hindi bababa sa apat na beses simula noong magkaroon ng dreding operation sa Cagayan. Ang “Hongchang” ay may kakayanang magdala ng 64,000 metriko tonelada ng buhangin.
“Nakakaalarma ang mga pangyayaring ito. Bakit ito pinapayagan ng ating pamahalaan? Kailangan dito ay agarang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga gumagawa nito,” wika ng Atin Ang Pinas.
Ayon sa ulat ng LICAS News, ang barkong na tinatawag na “Cutter Suction Dredger” ay nakadaong sa Cagayan River at gumagamit ng mechanical excavation at hydraulic dredging sa pagkolekta ng mga materyales. Lima pang ganitong barko ang darating sa probinsiya ng Cagayan.
Ang mga Tsinong barkong ito ay nasa Cagayan para umano sa large-scale dredging para sa rehabilitasyon ng Cagayan River bilang paghahanda sa pagbubukas ng isang daungan sa Aparri.
Nagpadala ng sulat si Cagayan Governor Manuel Mamba kay Environment Sec. Roy Cimatu noong Hunyo 8, 2020 upang ipaalam sa kanya na ang lokal na pamahalaan ay magkakaroon ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang linisin ang Cagayan River.
Ngunit naghihinala ang mga residente at mangingisda sa Aparri na ang dredging operation na ito ay hindi lamang rehabilitasyon ng ilog kundi isa ring black sand mining operation.
Ayon sa mangingisda na si Geric Umoso, ang dredger vessel ay nag-o-operate hindi lamang sa Cagayan River kundi maging sa Babuyan Channel, ang katubigan sa pagitan ng Cagayan at Babuyan Islands.
Sinabi ni Umoso na noong Hulyo, siya at mga kapwa mangingisda ay nakakita ng isang dredge vessel na umalis sa Cagayan River at nagsimulang manghigop ng buhangin sa laot. Narining nila ang vibration sa tubig habang ang barko ay kumukuha ng buhangin.
Nanawagan ang Atin Ang Pinas sa Duterte administration, Department of Natural Resources and Environment (DENR) at mga mambabatas na madaliin ang pag-aksiyon upang malaman kung ano ang ginagawa ng mga barkong ito.
“Black sand mining ba ang ginagawa nila? Naalarma kami dahil dito. Ito ba ang kapalit ng rehabilitasyon ng Cagaran River?” wika ng grupo.
Ang mga barkong Tsino ay nagtatapon rin umano ng dumi sa katubigan ng Pilipinas. Ayon kay Ricardo Umoso, pangulo ng Aparri Federation of Aramang Fisherfolk Stakeholder, ito kalaunan ay magiging problema at makakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Aparri.
Tinatayang may 11,000 mangingisda sa Aparri at ang ikinabubuhay ng karamihan sa kanila ay ang panghuli ng “aramang” (spider shrimp), na ini-export sa ibang bansa.
Binansagan ni Father Catral ang rehabilistasyon ng Cagayan River na isang panloloko dahil magdudulot ang dredging ng pagkasira ng tirahan ng mga aramang.
“Tutol kami kung paano ipinapatupad ang dredging. Ito ay irresponsable. Tutol kami sa panlilinlang at kasinungalingan na magpapabilis sa dredging operation,” wika niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.