Sen. Bong Go dumistansiya sa planong pulitikal ni Mayor Sara Duterte

Tumanggi si Senator Christopher Go na magbigay ng anumang komento ukol sa plano ng Unang Pamilya kasunod nang pag-atras ni Mayor Sara Duterte sa ‘mayoralty race’ sa Davao City.

“Ayoko munang mag-speculate ‘no kung ano ‘yung plano ng pamilya at ako naman po ay may partido kasama si Pangulong Duterte, desisyon niya po ito, at desisyon ng partido na tumakbo po ako na bise president,” sabi ni Go.

Aniya mahigit isang buwan na nang ihain niya ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangalawang pangulo at pinaninindigan niya ito.

Sinabi pa ng senador na hindi niya iniintindi kung ang ano ang magiging hakbang ng pamilyang Duterte, gayundin ng partido nilang PDP-Laban.

“Unang-una, mahal na mahal ko po si Pangulong Duterte, may utang na loob po ako sa kanya, at mabigat po sa amin mga Bisaya ‘yung utang na loob, diyan ko po natutunan sa kanya ‘yan, at ayaw ko po siyang bigyan ng sakit ng dibdib dahil lang sa pulitika,” sabi pa nito.

Bilin lang niya sa publiko na abangan na lang ang mga maaring mangyari sa mga susunod na araw.

Read more...