Makalipas ang ilang buwan nagawa nina Pangulong Duterte at Senator Manny Pacquiao ang makapag-usap nang magkaharap sila sa Malakanyang noong Martes ng gabi.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, ang pulong ay pagitan ng mga pambansang lider at napag-usapan ang ilang mahahalagang isyu na may kaugnayan sa interes ng sambayanan at pag-unlad sa Mindanao.
Partikular na napag-usapan sa pulong ang imprastraktura at industriya ng enerhiya.
Hindi naman sinagot ng kampo ni Pacquiao kung naplantsa na ng dalawa ang gusot sa kanilang relasyon.
Magugunita na nagkaroon ng alingasngas sina Pangulong Duterte at Pacquiao na nag-ugat sa sinasabing korapsyon sa gobyerno.
Humantong pa ito sa pagkakahati ng PDP-Laban at pinatalsik si Pacquiao bilang pangulo ng partido ng paksyon ni Pangulong Duterte.
Gumanti naman ang paksyon ni Pacquiao at sinipa bilang chairman ng partido si Pangulong Duterte.
Hinihintay pa ng dalawang paksyon kung sino ang kikilalanin ng Comelec bilang tunay na PDP – Laban.