Hindi katanggap-tanggap kay Senator Leila de Lima ang plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na bigyan ng subsidiya ang mga kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung sila ay hindi pa naturukan ng COVID 10 vaccine.
Pagdidiin ng pangunahing nag-akda ng Republic Act 11310 o 4P’s Act, hindi makatao at labag sa batas ang inilulutong ‘no vaccine, no subsidy.’
Paliwanag ni de Lima hindi maaring dagdagan ang mga kondisyon na nasa batas para sa pagbibigay ng subsidiya.
“Ang mga benepisyo ng 4Ps ay hindi utang na loob ng mamamayan sa gobyerno, Binibigay yan dahil obligasyon at nararapat. We crafted the 4Ps law in close consultation with stakeholders precisely to ensure that beneficiaries will become empowered as rights-holders. Hindi yung ituring silang taga-tanggap lang ng ayuda na puwedeng bawiin batay sa kapritso ng mga nasa kapangyarihan o sa panibagong polisiya na walang sapat na batayan,” pagdidiin ng senador.
Tanong pa nito kung may datos na marami o karamihan sa mga benepisaryo ng programa ay ayaw magpabakuna.
Kinuwestiyon din niya ang kakulangan ng matinding information campaign para malinawan ang mga nagdududa o natatakot na magpabakuna.
“Inuulit ko – Ang 4Ps ay tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan. Hindi ito kasangkapan para pilitin ang mga tao na naghahanap ng paglilinaw at impormasyon sa bakuna,” aniya.