Sen. Bong Go sinabing ikinukunsidera ni Pangulong Duterte ang pagtakbo sa 2022 senatorial race

PCOO photo

Fifty one percent tatakbo at 49 percent na hindi siya tatakbo.

Ito ang sinabi ni Senator Christopher Go nang tanungin ukol sa pagtanggap ni Pangulong Duterte sa mga panghihikayat na sumali ito sa senatorial election sa susunod na taon.

Ngunit paglilinaw naman agad ni Go ang ginawa niyang pagtataya ay base sa kanyang personal na obserbasyon sa Punong Ehekutibo.

Dagdag pa nito, ang pagkunsidera ni Pangulong Duterte ay dahil sa kagustuhan nitong matulungan ang PDP -Laban, kung saan naman siya nagsisilbing chairman.

Sinabi pa ng senador na nais ng Pangulo na maipagpatuloy pa ang mga nasimulan niyang magagandang programa at kung maari ay palakasin at palawakin pa niya ang mga ito.

Ayon pa kay Go hindi naman na bago kay Pangulong Duterte ang trabaho sa lehislatura dahil nagsilbi na ito sa Mababang Kapulungan at kabisado niya ang mga gawain ng Sangguniang Panglungsod ng magsilbi itong mayor ng Davao City ng ilang taon.

Read more...