Pananatilihin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang police visibility sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga mall, upang maiwasan ang anumang uri ng krimen.
Kasunod kasi ng pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila at pag-alis ng curfew hours, maraming tao ang pumupunta sa mga pampublikong leisure and amusement centers.
Sinabi pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palalawigin ang mall operations kung saan simula sa November 15, bukas ang malls bandang 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes
“Bagama’t nakatutok pa rin ang ating NCRPO personnel sa pagpapatupad ng minimum public health standards, mas magiging focus ngayon ng ating kapulisan ang crime prevention lalo na sa mga lugar na karaniwang dinarayo ng ating mga kababayan,” pahayag ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar.
Habang papalapit ang Kapaskuhan, inaasahan na aniya na mas maraming tao ang lalabas kung kaya magiging aktibo rin ang masasamang loob.
Kaya aniya, “The NCRPO is currently beefing up police visibility in all areas of convergence and ramping up patrols to deprive criminals of the opportunity to strike.”
Ipinag-utos na rin ng hepe ng PNP sa police commanders na makipag-ugnayan sa pamunuan ng mga mall upang talakayin ang security measures na kailangang ipatupad.
Paalala naman ni Eleazar sa publiko, patuloy na sundin ang health at safety protocols.
“Ang simpleng pagsunod natin sa minimum public health standards, ang pagsusuot ng face mask at pagtiyak sa physical distancing, ay malaking tulong na para maiwasan ang muling pagdami ng mga kaso ng COVID-19,” saad nito.
Epektibo ang Alert Level 2 sa NCR hanggang November 21, 2021.