Miting de avance ng mga kandidato, sabay-sabay isinagawa sa huling araw ng kampanya

presidential debateSabay sabay nagsagawa ng sari-sariling miting de avance ang limang presidential candidate kagabi, huling araw ng kampanya para sa 2016 elections.

Kasama ang kanilang mga ka-tandem, humarap sa libo-libong supporters ang limang presidentiable upang muling bumati at magbigay ng mensahe sa huling pagkakataon bago ang eleksyon bukas, May 9.

Sa Quirino Grandstand sa Luneta isinagawa ang miting de avance ng nangunguna sa mga surveys na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ka-tandem nitong si Sen. Alan Peter Cayetano.

Sa talumpati ni Duterte, sinabi nito na kaya niya at gusto niyang mamatay para sa mga Filipino.

Bumalik naman sa Plaza Miranda sa may Quiapo Church ang magka-tandem na sina Senators Grace Poe at Chiz Escudero.

Ayon naman kay Poe, simboliko ang simbahan para sa kanya dahil sa simbahan rin siya nakita ng nakapulot sa kanya sa Jaro, Iloilo.

Si Vice President Jejomar Binay naman ay sa kanyang balwarte nagsagawa ng miting de avance sa Makati City kasama ang kanyang ka-tandem na si Sen. Gringo Honasan.

Kumpiyansang sinabi ni Binay na mananalo siya sa eleksyon dahil sa suporta ng kanyang tinatawag na silent majority.

Ang pambato naman ng administrasyon na sina dating DILG Sec. Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo ay sa Quezon City Memorial Circle ang miting de avance na personal na dinaluhan ni Pangulong Aquino.

Sinabi naman ni Roxas na ito ang laban na magdadala sa atin sa mas magandang kinabukasan.

Hindi naman miting de avance kundi street party ang inorganisa ng volunteer group na Youth for Miriam para kay Sen. Miriam Defensor-Santiago at ka-tandem na si Sen. Bongbong Marcos sa West Triangle, Quezon City.

Ipinagmalaki ni Santiago na natapos ang kanyang pangangampanya nang walang binabayaran o binibiling boto.

Read more...