Kampo ni Duterte, naghain ng reklamong treason at espionage laban kina PNoy at Trillanes sa Ombudmans

Trillanes-PNoyNaghain ng reklamong treason at espionage sa Office of the Ombudsman ang kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte laban kina Pangulong Noynoy Aquino at Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ay dahil sa pagsasagawa ng back channel talks sa China ni Trillanes dahilan para maging agresibo ang nasabing bansa sa pag-angkin sa mga isla ng Pilipinas katulad na lamang ng Scarborough Shoal at Spratly Island.

Bukod dito, isa rin sa dahilan na nag-udyok sa kampo ng presidential aspirant na maghain ng reklamo ay matapos akusahan ni Trillanes si Duterte na mayroon milyong pisong pera sa hindi idineklarang bank accounts.

Ayon kay dating Rep. Ronald Adamat, isa sa mga complainant, labing anim na beses na nakipag-usap si Trillanes sa China at hiniling pa nito na isikreto ang pulong.

Sa nasabing pulong, sinabi aniya ni Trillanes na walang kakayahan ang Pilipinas na magpatupad ng coastal protection, bagay na nag-udyok sa China na maging agresibo sa pag-angkin sa mga isla na sakop ng bansa.

Sinabi rin ni Adamat na isinama nila ang pangulo sa reklamong inihain nila dahil hindi gagawin ni Trillanes ang nasabing hakbang kung walang utos ng pangulo.

Paglabag aniya ang nasabing hakbang nina Pangulong Aquino at Trillanes sa international policy.

Inanunsyo ni Martin Diño, ang national campaign manager ni Duterte ang paghahain ng reklamo ng mga supporters ng alkalde sa isang press conference sa Club Filipino sa San Juan City noong Biyernes.

Read more...