Naungkat sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa 2020 COA report sa Department of Health kahapon, ika-4 ng Nobyembre, ang mga mamahaling sasakyang nakapangalan sa negosyanteng si Rose Nono-Lin, na naiuugnay sa mga kuwestiyonableng transaksiyon sa gobyerno noong nakaraang taon.
Ayon kay Lin, sadyang mahilig ang asawa niyang bumili ng mga sasakyan, lalo na’t sapat na ang naipundar nila mula sa mga negosyo nilang lumago nang husto bago pa man ang pandemya.
Ayon kay Lin, kung siya mismo ang tatanungin, hindi siya mahilig sa sasakyan at sapat na sa kaniya basta’t may magamit nang maayos papasok sa opisina.
Paliwanag ni Lin, “Ang asawa ko ang bumibili po, kasi siya po ang mahilig sa sasakyan.”
Dagdag pa niya, natural na sa pagitan ng kaniyang asawa at mga kaibigang negosyante ang pagkahilig sa mga sasakyan kaya’t may mga pagkakataong nagkakaroon sila ng mga bagong kotse na ipinapangalan sa kaniya.
Napabilib naman ni Lin ang chairman ng komite na si Senator Richard Gordon dahil sa positibo niyang pananaw at direchong pagsagot.
“Maganda ang dating mo sa akin. I am very pleased na maganda ang sagot mo,” ani Sen. Gordon.
Tubong Gumaras si Lin at lumaki sa hirap kasama ng kaniyang mga magulang at walong mga kapatid.
Sa tulong ng mga paring Agustino, natanggap siya bilang isang varsity scholar ng track and field at nakapagtapos ng kursong BS Commerce, Major in Management Accounting sa University of San Agustin sa probinsiya ng Iloilo.
Sa ilang mga panayam, madalas sabihin ng kandidato ng Malayang Quezon City sa pagka-kongresista ng Distrito Singko na hinding-hindi nito sisirain ang pangalang matagal na iningatan.
Aniya, pinalaki siyang may prinsipyo at hindi magbibitaw ng salitang hindi kayang panindigan, kaya naman natural at ganoon na lamang kahinahon sumagot si Lin sa lahat ng mga akusasiyong iniuugnay sa pangalan niya.
Batid ito ni Sen. Gordon na nagsabing, “You seem to be a very kind person—humble, simple—and I hope that you continue to love our country, and tulungan mo kami para malutas itong mga problemang nagaganap sa ating bansa dahil nakakalungkot,” ani Sen. Gordon.
Nangako si Lin na makikipagtulungan sa mga kinauukulan para matunton ang mga taong tunay na sangkot sa nasabing isyu.