BI port personnel, hindi pwedeng mag-leave sa Pasko

Hindi maaring mag-leave ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa international airports sa kasagsagan ng holiday season.

Ayon sa ahensya, layon nitong matiyak na sapat ang bilang ng mga tauhan na magseserbisyo kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.

Binanggit ni BI Commissioner Jaime Morente ang polisiya kung saan ipinagbabawal ang pag-file ng vacation leave ng immigration employees sa iba’t ibang daungan simula sa December 1 hanggang January 15 ng susunod na taon.

Paliwanag ni Morente, kailangan ang no-leave policy para maiwasan ang mahabang pila sa mga paliparan bago at pagkatapos ng holiday season.

“This is the time of every year when the services of our immigration inspectors are most needed in the airports. Thus, in the exigency of the service, we have to make a sacrifice to service the traveling public,” pahayag nito.

Maliban sa medical at emergency reasons, hindi papayagan ang aplikasyon para sa leave ng BI port personnel sa kasagsagan ng nasabing petsa.

Ipinag-utos nito kay BI port operations chief, Atty. Carlos Capulong ang pagbuo ng isang grupo ng on-call immigration officers para dagdagan at umasiste sa mga tauhan na magsasagawa ng supervisory at primary inspection duties sa mga paliparan.

Alinsunod sa nasabing direktiba, nagtalaga na ng immigration supervisors at officers bilang administrative staff sa airport office upang mabuo ang augmentation team.

“While we don’t see the number of passengers rising to pre-pandemic levels, we are getting ready for an increase of Filipinos and balikbayan who may be vacationing here during the holiday season,” ani Capulong.

Kamakailan, may 99 na newly-hired immigration officers na itinalaga sa tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Read more...