Sa ilalim ng panukalang batas, layong itaas nang halos doble mula sa P33,575 at gawing P60,901 ang starting monthly base pay ng mga nurse na nagtatrabaho sa mga government hospital.
Inilahad ng mambabatas na 5,957 nurses ang nagbabalak na maipagpatuloy ang propesyon sa Amerika matapos kumuha ng U.S. licensure examination sa unang pagkakataon mula Enero hanggang Setyembre sa taong 2021.
Mas mataas aniya ito ng 25 porsyento kumpara sa bilang ng nursing graduates na kumuha ng National Council Licensure Examination (NCLEX) sa unang pagkakataon sa kaparehong buwan noong 2020, batay sa datos ng U.S. National Council of State Boards of Nursing Inc.
Ani Defensor, inaasahang dadami pa ang Filipino nurses na lilipat sa Amerika para magtrabaho dahil sa mataas na sweldo. Inihalimbawa nito ang sitwasyon sa California kung saan nakakatanggap ang isang registered nurse ng average na $120,560 o P6.1 milyon kada taon.
Binanggit din nito ang kaso ng San Diego, California-based nursing agency Aya Healthcare kung saan mayroong 55,000 job openings para “travel nurses” upang mapunan ang staffing gaps sa humigit-kumulang 3,000 ospital sa Amerika sa loob ng 13 hanggang 26 linggo.
Kaya naman ayon kay Defensor, “We are counting on our measure, once enacted, to help dissuade at least some of our nurses, particularly those with strong ties here at home, from going overseas.”
Nais ng panukala ng kongresista na maamyendahan ang Philippine Nursing Act of 2002 para maitaas sa Salary Grade 21 ang entry-level pay ng government nurses.
Matatandaang nagbabala ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na ilang Filipino nurses ang umaalis ng bansa para sa overseas jobs, kung kaya noong Oktubre pa lamang, umabot sa 10 porsyento ng nursing staff ng maraming ospital ang nawala.