Tatlong menor de edad na muntik malunod sa Maguindanao, nasagip

PCG photo

Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) Special Operations Group BARMM ang tatlong menor de edad na muntik malunod sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nangyari ang insidente sa isang private beach resort sa bahagi ng Barangay Kusiong bandang 11:25, Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang mga kabataan na sina Nazela Isra, 13-anyos; Nurjana Santio, 13-anyos; at Omar Bukol, 12-anyos na mga residente ng Barangay Bagua sa Cotabato City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, pinaglalaruan ng tatlo ang kanilang salbabida bago maganap ang insidente.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PCG ang mga magulang na bantayan nang maigi ang mga anak para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Dinala naman ang tatlo sa pinakamalapit na ospital para mabigyan ng tulong medikal.

Read more...