Sen. Win Gatchalian bumuwelta sa bintang ng Department of Energy
Hindi nagustuhan ni Senator Sherwin Gatchalian ang paninisi ng Department of Energy (DOE) sa Senado kayat naaantala ang programa ng Malampaya consortium.
Ikinatuwiran ng DOE na ang delay ay dahil sa pagbusisi ng Senado sa naging bentahan ng shares sa Malampaya gas field.
“Hindi tamang akusahan ang Senado na nagiging dahilan ng pagkaantala ng anumang timeline o work program ng consortium sa Malampaya. Kabilang sa mga tungkulin namin ang panagutin ang mga ahensya ng gobyerno sa mga kaduda-dudang transaksyon,”diin ni Gatchalian.
Diin pa ng namumuno sa Senate Committee on Energy responsibilidad ng DOE na papanagutin ang consortium sakaling magkaroon ng pagkakaantala sa pagpapatupad ng mga programa.
Una nang sinabi ni Gatchalian na walang bisa ang bentahan na nangyari sa pagitan ng Chevron at Udenna.
“Kami sa Senado ay tumutupad lamang sa aming oversight functions bilang bahagi ng check and balance mechanism sa gobyerno sa kadahilanang malaki ang papel ng Malampaya sa pagsisiguro ng suplay ng enerhiya ng ating bansa. Filipino consumers rin po kami, kaya karapatan po naming magtanong at panagutin kung mayroon mang nagkasala,” katuwiran pa ni Gatchalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.