Para mabawasan ang epekto ng mataas na halaga ng kuryente, gayundin ng mga produktong-petrolyo, sang-ayon si Senator Panfilo Lacson na magkaroon ng nuclear power plant sa bansa.
Ngunit agad din niyang nilinaw na sa pagkakaroon ng plantang-nukleyar kinakailangan ay magagarantiyahan ang safety measures para matiyak ang kaligtasan ng publiko, gayundin mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran.
Sinabi nito ni Lacson sa kauna-unahang presidential economic forum na ikinasa ng ibat-ibang business groups.
“Dahil sa naging karanasan natin sa Bataan Nuclear Power Plant, medyo negatibo ang dating. Dapat nating tingnan ang oportunidad na muli itong mabuksan, pero kinakailangan nating isa-alang-alang ang safety measure nito,” pagdidiin ni Lacson.
Sinabi din nito na makakabuti na pag-aralan ang naging karanasan ng ilang bansa na nahirapan sa pagbalanse ang kanilang mga polisiya hinggil sa enerhiya at pangangalaga sa kalikasan sa paggamit ng nuclear power.
“Kumplikado ang problemang ito dahil meron ngang panganib. Wala tayong technical expertise para pag-aralan ang mga ito, kaya dapat matuto tayo sa pagkakamali ng ibang bansa,” ayon sa standard-bearer ng Partido Reporma.