Bagong DAR Secretary itinalaga ni Pangulong Duterte
(DAR photo)
May napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na bagong kalihim ng Department of Agrarian Reform.
Ito ay sa katauhan ni DAR Undersecretary for Foreign Assisted and Special Projects Office (FASPO) Bernie Cruz.
Papalitan ni Cruz si dating DAR Secretary John Castriciones na nagbitiw sa puwesto dahil tatakbong senador sa 2022 elections.
Pangako ni Cruz, pangungunahan niya ang ahensiya na dalhin ang kaunlaran sa kanayunan.
“Naniniwala ako na isa sa mga proyekto ng DAR na magpapalakas sa agrikultura ng bansa ay ang mega farm. Patuloy nating isusulong na maaprubahan ito sa Kongreso upang mapondohan ang proyekto,” ani Cruz.
Binigyang diin niya na ang mega farm ay pulutong ng mga magkakatabing sakahan na kinokonsolida upang makabuo ng isang plantasyon na may kakayahang makapag-ani ng bultuhang produktong agrikultural upang maibigay ang pangangailangan ng mga institusyunal at komersyal na mamimili at bukas sa iba’t ibang high-value cash crops.
“Ito ay magiging kapaki-pakinabang sa mga indibidwal na magsasaka na may pag-aari ng lupa upang pumasok sa commercial at agri-venture arrangements upang sila ay magkaroon ng kontrata sa pagsusuplay ng mga ito. Umaasa ako na ang ating mga magsasaka hindi na maging simpleng nagtatanim lamang upang sila ay may makain, kung hindi patungo na rin sila sa pangangalakal at pag-eexport ng kanilang mga produkto,” ani Cruz.
Sinabi rin ng bagong-talagang kalihim na sa ilalim ng kanyang liderato, dodoblehin nila ang pagsisikap na maipamigay ang mga natitirang lupa sa mga magsasakang walang lupain, ang pagkakaloob ng suportang serbisyo sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at pagbibigay ng social justice sa mga agrarian communities.
Inihayag ni Cruz na ang pamahalaan ay mayroon pang natitirang mahigit sa 700,000 ektarya ng lupang pang-agrikultural – kasama na ang pampribadong lupain na karamihan ay problematiko at mga nakatiwangwang na lupaing pampubliko na maaaring taniman.
“Kung maipamimigay natin ito sa mga kwalipikado at karapat-dapat na ARB, magkakaroon ang bansa ng malakas na agrikultura na makapag-aambag sa pagseseguro ng sapat na makakain,” ani Cruz.
“Nakatuon tayo na dalhin ang industriyalisasyon sa sektor ng agrikultura at sa pamamagitan ng pagkakaloob ng suportang serbisyo gaya ng iba’t ibang livelihood opportunities, infrastructure projects, farm machineries at equipment, capability-building trainings, loan facilities, at iba pa, makakamit natin ang matatag na ekonomiya sa kanayunan,” dagdag pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.