Pagdagdag ng passenger capacity sa public transport, ipatutupad simula sa Nov. 4

DOTr Facebook photo

Ipatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang unti-unting pagdagdag ng passenger capacity sa mga pampublikong transportasyon sa Mega Manila mula 70 porsyento hanggang full capacity simula sa November 4, 2021.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng kagawaran na dagdagan ang kapasidad para sa isang buwang pilot implementation sa NCR MUCEP area.

Iprisinta ni DOTr Undersecretary for Administrative Services Artemio Tuazon Jr. sa IATF ang rapid analysis at review para masuportahan ang naturang panukala.

“The DOTr is amenable to implement the increase in a gradual manner, beginning from 70%. The passenger capacity increase will be for road-based and rail-based public transport,” ani Tuazon.

Iginiit naman ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na malaking tulong sa PUV drivers ang dagdag na passenger capacity sa public transport, kasama ang P1 bilyong cash aid mula sa gobyerno.

“Ang DOTr at LTFRB, sa pamumuno po ni Secretary Art Tugade, ay ramdam at naiintindihan ang kanilang hinaing at hirap kung kaya naman kami ay nagpursige na itulak sa IATF na madagdagan na ang kapasidad sa public transport,” saad ni Pastor.

Matinding naapektuhan ang kabuhayan ng mga driver at operator sa nararanasang pandemya, kasabay pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ayon sa DOTr, makatutulong ang dagdag na passenger capacity para magkaroon ng mas malaking kita sa public transport sector.

Layon din nitong makapaghatid ng mas malawak na serbisyo dahil mas maraming tao na ang lumalabas at marami na ring nagbubukas na negosyo.

Read more...