Booster shots mahalaga, panlaban sa COVID 19 variants, ayon kay Sen. Bong Go
Pinamamadali na ni Senator Christopher Go sa gobyerno ang pagplantsa sa plano sa pagbibigay ng COVID 19 boosters shots.
Pagdidiin ni Go napakahalaga ng booster shots dahil sa mga umuusbong na bagong variants ng nakakamatay na sakit.
“Importanteng paghandaan na natin ito. Baka kailanganin natin ng booster lalo na dahil sa mga naglalabasang variants. Dapat din natin masiguro na may sapat na pondo dahil tuluy-tuloy ang pagbabakuna natin hanggang sa susunod na taon,” ayon sa namumuno sa Senate Committee on Health.
Nabatid na P45.4 bilyon na ang inilaan sa Unprogrammed Fund ng Department of Health (DOH) para sa pagbili ng booster shots o third dose ng COVID 19 vaccines.
Kasabay nito, nilinaw ng senador na dapat ay minamadali na ang distribusyon ng mga bakuna sa labas ng Metro Manila para agad nang maabot ang ‘target population’ partikular na sa mga senior citizens at ang mga may comorbidities.
Sa plano, uunahin ang A1 hanggang A3 priority groups sa pagbibigay ng booster shots.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.