Malamig ang pagtanggap ng Filipino mobile subscribers sa Mobile Number Portability Act, na sinimulang ipatupad noon lang Setyembre 30.
Ayon kay House Assistant Minority Leader France Castro, hindi nangyari ang inaasahan na magiging ‘game changer’ ang naturang batas.
Una nang napa-ulat, na inaasahan na maraming prepaid subscribers ng PLDT – Smart at Globe ang lilipat o kukuha ng subscription sa Dito Telecommunity dahil sa naturang batas, ngunit hindi ito nangyari.
Ngunit, sa higit 100 milyon mobile phone users sa bansa, 1,000 lang ang lumipat sa Dito, ayon na rin kay Telecommunications Connectivity Inc (TCI) head Melanie Manuel.
Mismong si Castro na ang nagbigay ng mga maaring dahilan at una aniya dito ay huli na ang pagpapatupad ng batas dahil marami ng Apps na nag-aalok ng messaging at call-video services gaya ng FB Messenger, WhatsApp, Viber, Telegram, Line at IMO.
Nandiyan din aniya ang ‘loyalty’ ng subscribers sa gamit na nilang SIM.
Posible din, ayon pa kay Castro, na hindi pa kilala ng husto ang Dito at pinagduduhan pa ang kalidad ng serbisyo ng itinuturing na third major telco sa bansa, bukod pa sa mga isyu ng kinasasangkutan nito tulad sa pambansang seguridad at mga reklamo na ng kanilang subscribers.