Siniguro ni PNP Chief Guillermo Eleazar na nakahanda na ang mga pulis na magbabantay sa mga paaralan na kabilang sa pilot testing ng ‘face-to-face classes’ sa Nobyembre 15.
Sinabi nito, nagpalabas na siya ng direktiba sa mga kinauukulang unit commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na tanggapan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para alamin paano makakatulong ang mga pulis.
“Kasama ang inyong PNP na sumusuporta sa unti-unting pagbabalik natin sa normal at patuloy ding nakatutok ang inyong kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa hindi lang sa banta ng COVID kundi pati na rin sa ibang banta,” sabi ng hepe ng pambansang pulisya.
Una nang inanunsiyo ng DepEd na sa buong kapuluan may 90 paaralan ang napili para sa pagkasa ng limatadong balik-eskuwela.
Maari din na sa Nobyembre 22, may 22 private schools ang makasama sa pilot testing.