Karagdagang pulis, ipinapa-deploy sa Dolomite beach

PNP photo

Kasunod ng libu-libong indibiduwal na nagtungo sa Dolomite Beach sa Manila Bay nitong weekend, nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa publiko na sundin ang minimum public health standards sa lahat ng pampublikong lugar.

Kasabay nito, ipinag-utos din nito sa Manila Police District (MPD) na makipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources, Dolomite beach administrators at lokal na pamahalaan upang makapatatag ng limitasyon sa bilang ng mga bisita at haba ng pananatili sa lugar.

Inatasan din ng hepe ng pambansang pulisya ang MPD na siguraduhing walang mangyaring ‘super spreader event’ sa Dolomite beach.

“Nauunawaan natin ang kasabikan ng ilan nating mga kababayan na lumabas dahil sa mahabang lockdown subalit hindi dahilan ito upang ipagsawalang-bahala ang kaligtasan ng bawat isa, lalo na ang mga batang isinama nila gayong malinaw sa patakaran na hindi pa puwede silang lumabas under the COVID Alert Level 3 status,” pahayag ni Eleazar.

Apela naman nito sa publiko, “Ang ating kaligtasan ay nakasalalay din sa disiplina natin sa sarili kaya tutulong ang mga pulis upang ipaalala ito sa inyo dahil baka humabol kayo sa Undas kung patuloy ninyong babalewalain ang mga patakaran para sa inyong kaligtasan sa gitna ng pandemya.”

Nitong October 24, 2021, umabot ng 4,000 ang bilang ng mga nagtungo sa Dolomite beach.

Read more...